Mga lugar sa labas ng NCR, pinadadagdagan din ang bakuna

Umapela si Assistant Majority Leader Fidel Nograles sa pamahalaan na bigyan din ng dagdag na doses ng COVID-19 vaccines ang mga probinsya sa labas ng National Capital Region (NCR).

Ang panawagan ng kongresista ay kasunod ng pagpayag ng gobyerno sa hiling ng mga Metro Manila mayors na bigyan sila ng dagdag na alokasyon na 4 milyong doses ng bakuna.

Ayon kay Nograles, bagama’t nauunawaan niyang ang hirit ng mga Metro Manila mayors ay dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), pero hindi naman dapat isantabi na ang ibang lugar at probinsya sa labas ng NCR ay nasa ilalim din ng lockdown na General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions.


Para sa kongresista, ECQ o GCQ ay pareho lamang din na mahigpit na community restrictions dahil isinailalim ang mga lugar sa mga nabanggit na lockdown bunsod pa rin ng pagtaas ng Delta variant.

Dagdag pa rito ay ipinarerekonsidera rin ng mambabatas ang mahigpit na checkpoints ngayong ECQ.

Kailangan aniyang makaisip ng paraan upang maiwasan na maging chokepoints at magmistulang super spreader event na parang may mass gathering sa siksikan at haba ng pila ang mga ilalagay na checkpoints.

Mahalaga aniyang isaisip na bukod sa mga APOR ay kabilang rin sa mga pinapayagang makalabas ng bahay sa ilalim ng ECQ at GCQ ay ang mga taong may schedule ng bakuna at mahalagang mabigyan sila ng mabilis na access sa mga lugar upang mabilis ring makakamit ang herd immunity.

Facebook Comments