Umabot sa 1,350 motorcycle rider ang hinuli dahil sa paglabag sa unang araw ng pagpapatupad ng mga patakaran para sa motorcycle back-riding.
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, 704 riders ang hinuli dahil walang safety barriers na nakakabit habang mayroon silang angkas na asawa o live-in partner.
Nasa 580 riders ang hinuli dahil sa walang barrier at may kasamang angkas na hindi asawa o live-in partner.
Aabot naman sa 66 ang nahuli dahil iba ang kasamang angkas kahit mayroon silang safety barriers.
Ilan sa mga ito ay idinala sa presinto dahil sa pagiging bastos sa mga awtoridad o bunsod ng umiiral na lokal na ordinansa.
Ang pagsuway ng mga motorcycle riders ay may kaakibat na parusa base sa guidelines na inaprubahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa, sa koordinasyon ng Land Transportation Office (LTO) at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Iginiit ni Eleazar, pinagbigyan ng National Task Force against COVID-19 ang apela ng mga motorcycle riders na i-angkas ang kanilang mga asawa o live-in partners, kaya hinihiling ng pamahalaan na sumunod sa patakaran lalo na ang pagkakabit ng safety barriers sa pagitan ng rider at pasahero nito para na rin sa kanilang proteksyon laban sa COVID-19.
Paglilinaw ni Eleazar, hindi naman nila nire-require ang lahat ng motorsiklo na magkabit ng harang kung wala naman sila i-aangkas.
Punto pa ni Eleazar, ang deadline para sa pagkakabit ng barrier ay dalawang beses nang pinalawig at sapat na panahon na ito para sila ay sumunod.
Muling paalala ng PNP na ang mga lalabag sa motorcycle back-riding guidelines ay pagmumultahin mula 1,000 hanggang 10,000 pesos depende sa bilang ng paglabag na nagawa.