Nakapagtala na ang Joint Task Force COVID Shield nang 9,015 na mga lumabag sa pinaluwag na quarantine protocols para sa back-riding ng mga motorsiklo.
Ito’y matapos na pahintulutan nitong nakaraang linggo ang mga magkasama sa bahay na mag-backride na walang motorcycle barrier, pero dapat gumagamit ng minimum health gear na full face helmet at facemask.
Sa nakalipas na walong (8) araw na pagpapatupad ng bagong patakaran, mula August 19 hanggang August 26, 2020, umabot sa 3,841 ang nahuling walang barrier na hindi kasama sa bahay ang back ride habang 2,523 naman sa mga walang barrier ang nahuling hindi gumagamit ng tamang health gear.
Sa mga nahuli namang motor na gumagamit ng barrier, 947 ang may hindi otorisadong back ride, 968 ang hindi otorisadong barrier, at 736 ang hindi gumamit ng health gear.
Sa kabuuan, 7,993 sa mga violators ang binigyan lang ng citation, habang 1,022 naman ang dinala sa police station.