Sisimulan na ng Philippine Navy ang pagreretiro sa mga luma nitong barko para bigyang-daan ang pagdating ng mga bagong barko.
Ayon kay Rear Admiral Giovanni Carlo Bacordo, commander ng Philippine Fleet, sisimulan ito sa pagreretiro ngayong araw ang BRP Sultan Kudarat, matapos ang 43 taon nitong pagseserbisyo.
Ang BRP Sultan Kudarat ay orihinal na na-commission sa US Navy bilang USS Crestview noong ika-30 ng Oktubre taong 1943 bago ito na-commission sa Philippine Navy noong July 27, 1976.
Sinabi ni Bacordo na susundan pa ito ng pagreretiro ng isa pang kahalintulad na class na “patrol craft escort” ngayon taong ito at magtutuloy-tuloy hanggang sa mairetiro na ang lahat ng lumang barko ng Navy.
Paliwanag ni Radm Bacordo, kakailanganin kasi ang mga crew ng mga lumang barko para magmando sa mga darating na bagong barko dahil hindi naman nagdagdag ng personnel ang Philippine Navy.
Aniya pa, ang mga ireretirong barko ay hindi naman masasayang dahil aalisin nila ang lahat ng pwede pang pakinabangang kagamitan bago ipasubasta bilang scrap metal ang mga kaha nito.