Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na pwede rin gamitin ang lumang beep card sa EDSA Busway System.
Ito’y matapos sabihin ni DOTr Assistant Secretary for Communications & Commuters Affairs Goddess Hope Libiran na walang katotohanan ang umano’y sinasabi ng mga nagbebenta ng beep cards sa mga istasyon na hindi na maaaring gamitin ang lumang card.
Aniya, ang beep card na ginagamit sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) ay parehas lang na pwedeng gamitin sa Edsa Busway.
Samantala, sinabi rin ni Libiran na maliban sa pag-iisyu ng libreng card, gusto rin ni DOTr Sec. Arthur Tugade ang pag-alis ng P60.00 minimum load requirement at P5.00 convince fee sa tuwing maglo-load ang pasahero sa kaniyang beep card.
Pinag-aaralan din ng DOTr ang paggamit ng mobile application at quick response codes o paglalagay ng fare collection boxes.
Matatandaang noong Huwebes nang simulang ipatupad ang “no beep card, no ride” policy sa mga bus na bumabiyahe sa kahabaan ng EDSA Busway bilang karagdagang safety measures sa gitna ng banta ng COVID-19.