Mga lumang pera, hanggang Disyembre 29 na lamang papalitan – BSP

Manila, Philippines – Pinaalalahanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang publiko na hanggang sa Disyembre 29, 2017 na lamang nila maaaring papalitan ang mga itinatago nilang lumang serye ng salaping papel na inilunsad noong 1985.

Batay sa inilabas na advisory ng BSP, nabatid na maaari lamang magpapalit ng mga lumang pera sa cash departments nila sa Maynila at Quezon City, gayundin sa kanilang mga Regional Offices at iba pang sangay ng BSP sa mga lalawigan.

Nilinaw naman ng BSP na walang bayad ang gagawing pagpapapalit ng mga lumang pera.


Paalala naman ng BSP, hanggang 100 libo piso lamang ang maaaring papalitan sa bawat transaksyon.

Maaari rin naman anilang magpapalit ng higit pa sa 100 libong piso pero ito ay sa pamamagitan lamang ng tseke o ng direct credit sa bank account ng taong nagpapapalit.

Matatandaang kamakailan ay nagpasya ang BSP na palawigin pa ang deadline sa pagpapalit ng mga lumang pera hanggang sa susunod na buwan bilang tugon sa maraming kahilingan na kanilang natatanggap.

Facebook Comments