Nakahanda ang lokal na pamahalaan ng Maynila na tulungan ang mga residente sa lungsod na maaapektuhan ng daily water service interruption simula bukas, Miyerkules, July 12.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, inatasan na niya ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na tumulong sa pagrarasyon ng tubig sa mga barangay na maaapektuhan sa Tondo, San Nicolas, Binondo, Sta. Cruz, Quiapo, Sampaloc, San Miguel, Port Area, Intramuros, Ermita at Paco.
Nabatid na makararanas ang mga sumusunod na lugar ng water service interruption mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Ayon sa Maynilad Water Services, Inc., ito ay dahil sa pagbawas ng raw water allocation dahil sa pagbaba sa minimum operating level ng Angat Dam.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga residente na hangga’t maaga ay mag-ipon na ng tubig habang ang mga opisyal naman ng barangay ay inatasan na tumulong rin upang hindi mahirapan ang kanilang residente.