Tinitiyak ng Department of Health (DOH) na mababakunahan laban sa tigdas ang mga mag-aaral mula kindergarten hanggang grade 6 bago magsara ang mga klase sa Abril 5 ngayong taon.
Paghahanda ito ng kagawaran lalo na at papainit ng panahon kung kailan inaasahan ang pagdami ng kaso ng tigdas.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang mga nabakunahan na ng dalawang dose ng Measles Containing Vaccine o MCV ay hindi na tuturukan.
Paliwanag ni Duque, na matatapos na ang vaccination sa mga health centers at maging ang mga itinuturing na informal settlers na palipat-lipat ng tirahan ay binakunahan na rin.
Sa mga rehiyon naman aniyang mabilis ang pagkalat ng tigdas ay isinalang na rin sa vaccination ang mga batang nagkakaedad ng anim hanggang 59 na buwan nabakunahan man o hindi.