“Once a teacher, always a teacher…”
Ganito inilarawan ni DepEd San Juan City School Division Office Superintendent Dr. Cecille Carandang ang responsibilidad nila bilang guro lalo ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Carandang na tungkulin ng DepEd na makapagbigay ng edukasyon sa mga kabataan kaya naman sa kabila ng mga hamon sa pagpapatupad ng blended learning ay buo ang loob nilang maipagpatuloy ang pagtuturo.
Aniya, nauunawaan din nila ang pinanggagalingan ng mga taong nananawagan ng “academic freeze”.
“Nauunawaan namin sila dahil bagong normal talaga ngayon, kumakaharap tayo sa pandemic. Pero ang tungkulin ng DepEd ay makapagbigay ng edukasyon sa mga mag-aaral so sa kabila ng mga batikos, buo ang loob ng lahat ng DepEd personnel and officials na talagang maipagpatuloy ‘yong kinabukasan ng ating mga mag-aaral,” ani Carandang.
Malaki naman ang pasasalamat ng DepEd San Juan City sa naging ambag ng lokal na pamahalaan sa kanilang naging paghahanda bago ang pasukan gayundin sa mga magulang na nagsisilbi ngayong mga guro ng mga bata sa kanilang mga tahanan.
At kasunod ng naselyuhang partnership ng DepEd San Juan City at RMN-DZXL 558 Radyo Trabaho kaninang umaga, kumpiyansa si Carandang na mas magiging epektibo ang pagtuturo nila sa mga batang walang access sa internet pero naaabot ng signal ng DZXL.
“Sa pamamagitan po ng partnership na ‘to, maipapalabas natin sa radio at online airings yung mga adbokasiya ng DepEd gayundin po ‘yong mga video lessons na inihanda ng mga guro. Sa pamamagitan noon, mas magkakaroon ng mastery ang mga bata na pwede niyang ulit-ulitin na panuorin at pakinggan ‘yong lessons ni teacher,” dagdag pa ng DepEd official.
Tiniyak naman ni DZXL Station Manager Buddy Oberas na mananatiling committed ang RMN-DZXL558 Radyo Trabaho sa pagtulong sa DepEd para sa adhikain nitong maturuan ang mga bata sa gitna ng blended learning.
“Kami po ay masaya dahil kumbaga ‘yong pag-aaral ng mga estudyante ay magiging kabahagi rin ang DZXL,” ang pahayag ni Mr. Oberas.