Isang malaking tagumpay ang ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa Alaminos City bilang representante ng Department of Education (DepEd) Region I sa ginanap na National Science and Technology Fair (NSTF) 2025 sa Quezon City noong Marso 24-28, 2025.
Sina Charly David T. Manuel, Rey Alfred S. Quiam, at Klein Gunneries R. Bubos—ay pinarangalan sa iba’t ibang kategorya dahil sa kanilang makabagong proyekto at pananaliksik tungkol sa early diagnosis ng Alzheimer’s Disease.
Kabilang sa mga natamo nilang parangal ay ang Best Project for Robotics and Intelligent Machines Category, Best Project Display, Best Presenter, Overall Best Project, at Young Scientist Award mula sa Gokongwei Brothers Foundation.
Tinanghal ang mga mag-aaral na Pangasinense bilang isa sa mga finalist na sasabak sa International Science and Engineering Fair (ISEF) 2025 sa Ohio, USA.
Ang tagumpay ng mga mag-aaral ng Alaminos City ay isang patunay ng patuloy na pag-usbong ng mga kabataang Pilipino sa larangan ng agham at ang kanilang kakayahang makipagtagisan sa pandaigdigang entablado. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨