Mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, pinabibigyan ng laptop

Isinusulong ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian ang panukalang batas na layong magbigay ng laptop sa lahat ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Sa Senate Bill No. 474 na inihain ni Gatchalian, layunin nito na tiyaking lahat ng mga mag-aaral ay maipagpapatuloy ang kanilang edukasyon sa gitna ng kalamidad at mga sakunang posibleng makapagpaantala sa face-to-face classes.

Sa ilalim ng “One Learner, One Laptop Act”, tinitiyak na makakatanggap ang mga mag-aaral ng dekalidad na digital education at distance learning lalo pa’t nakita noong kasagsagan ng pandemya kung papaano nahirapan ang mga mag-aaral dahil sa kawalan ng gadgets at maayos na internet connectivity.


Binanggit ng senador na kakailanganin pa rin ng mga estudyante ang mga laptop o gadgets sa kanilang mga aktibidad sa paaralan kahit pa balik face-to-face classes na ang mga mag-aaral.

Nakasaad sa panukalang batas na maghahain at magpapatupad ang Kalihim ng Department of Education (DepEd) ng mga polisiya at pamantayan sa pagpapamahagi ng isang laptop kada isang mag-aaral ng pampublikong paaralan.

Inaatasan din ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na paigtingin ang paglalagay ng libreng pampublikong wi-fi sa lahat ng public schools.

Facebook Comments