Mga mag-ho-hoard ng bakuna at magpapabakuna ng 3rd shot, mahaharap sa mabigat na parusa

Isinusulong ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na ituring na krimen at patawan ng mabigat na parusa ang mga mapapatunayang nag-hoard ng bakuna gayundin ang mga sumasailalim sa hindi otorisadong vaccine shots.

Ginawa ni Vargas ang paghahain ng panukala dahil na rin sa mga ulat na ilang indibidwal ang gumagawa ng vaccine hoarding at may mga iligal na nagpapabakuna ng 3rd shot sa ilang mga lungsod sa Metro Manila.

Sa House Bill 10106 na inihain ng kongresista, mahaharap sa 15 hanggang 60 araw na pagkakakulong at multang ₱100,000 hanggang ₱500,000 ang mga violators na masasangkot sa pagho-hoard ng vaccines at mga iligal na kukuha ng bakuna o iyong mga mag-a-administer ng unauthorized vaccination.


Paliwanag ng chairman ng Committee on Social Services, ang vaccine hoarding at unauthorized vaccination sa gitna ng public health emergency ay malinaw na kasakiman at isang panganib sa muling pagbangon at proteksyon ng mga Pilipino.

Ang mga gawaing ito aniya ay labag sa public health system at pangkalahatang kapakanan ng publiko kaya naman nararapat lamang na parusahan ang mga gumagawa nito.

Matatandaang nauna nang nagpasa ng resolusyon ang mga miyembro ng Metro Manila Council (MMC) na umaapelang parusahan ang vaccine hoarding at unauthorized vaccine shots.

Facebook Comments