Iginiit ni Committee on Agriculture Vice Chairperson Senator Grace Poe sa Department of Agriculture (DA) na bigyan ng ayuda sa halip na pautangin ang mga maliliit na magbababoy na apektado ng African Swine Fever (ASF).
Mungkahi ito ni Poe makaraang ihayag ng DA na meron silang halos P30 billion na ipapautang sa hog raisers.
Pero paliwanag ni Poe, siguradong mag-aalangan na umutang ang maliliit na hog raisers dahil kailangan ng kolateral at kung magsakit ang kanilang mga alaga dahil sa ASF ay tiyak malulugi sila.
Ayon kay Poe, dapat ay ipatawad na ng DA ang utang ng mga hog raisers o ng mga magsasaka kung masalanta sila ng bagyo o sakit na hindi naman nila kontrolado.
Nauna ring suhestyon ni Poe sa DA na magpatupad ng mahigpit na border controls para sa papasok na meat products sa ating bansa at tiyaking walang makakalusot na smugglers.