Mga magbebenta ng vape products na walang PS at ICC stickers ng DTI, huhulihin na pagdating ng Setyembre

Huhulihin na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga nagbebenta ng vape products na walang PS mark at ICC stickers o ang mga hindi nakarehistrong produkto, simula sa Setyembre.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng pinaigting na operasyon ng pamahalaan laban sa illegal vape products sa black market alinsunod sa Republic Act 11900.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DTI Assistant Secretary Atty. Amanda Nograles na sakop ng kanilang operasyon ang online at physical stores na nagbibenta ng mga hindi rehistradong produkto.


Dahil dito, kailangan na aniyang simulan ng mga manufacturer at distributors ng vape products ang pagpaparehistro.

Dapat na rin aniya silang mag-imbentaryo para maipaubos ang lumang stocks, dahil pagdating ng Setyembre ay hahanapin na ng DTI ang PS mark at ICC stickers.

Kumikilos na rin ang DTI regional offices para masawata ang mga hindi sumusunod sa batas hinggil sa vape at vape products.

Facebook Comments