*Cauayan City, Isabela-* Ipinagbibigay alam ng pamahalaang panlungsod ng Ilagan sa mga magtutungo sa Lungsod na magsasagawa ng relief operation na kinakailangan munang makipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office bago pumunta sa mga tutulungang lugar.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng City of Ilagan, mas mainam pa rin aniya na magkaroon ng koordinasyon ang mga grupo o organisasyon na magbibigay ng tulong sa mga naapektuhang Ilagueño.
Sa ngayon aniya ay nagsisimula nang bumangon muli ang mga residenteng nakaranas ng matinding pagbaha sa Lungsod matapos ang ilang araw na malubog sa tubig-baha ang kanilang lugar.
Nakasuporta naman ang lokal na pamahalaan sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan lalo na sa mga lugar na lubhang tinamaan ng pagbaha.
Nagpapasalamat naman ito sa lahat ng mga ahensya at non-government organizations maging sa mga grupong tumulong na nagbigay ng relief goods, tubig, mga damit at pagkain sa mga residenteng sinalanta ng baha.