Magpapatuloy ang pagbabakuna sa Taguig laban sa COVID-19 kahit umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa katunayan ay inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Taguig na hanggang alas-12:00 ng hatinggabi mula alas-4:00 ng hapon gagawin ang pagbabakuna sa Bonifacio High Street-2 Mega Vaccination Hub mula ngayong araw hanggang August 20.
Ito ay para magkaroon ng pagkakataon na mabigyan ng COVID-19 vaccine ang mga walang oras sa araw na magpabakuna sa Taguig.
Dahil dito ay inilabas ng Taguig Local Government Unit (LGU) ang Safe City Task Force Advisory No. 49 na nagsasabing exempted o hindi saklaw ng curfew hours sa Taguig ang mga magpapabakuna sa gabi.
Pero paalala ng lokal na pamahalaan na kailangan nilang maipresinta ang kanilang electronic ticket na nagsasaad ng schedule ng kanilang bakuna sa gabi para sa mga tatanggap ng first dose.
Para naman sa group bookings, kailangan nilang ipakita ang text message mula sa TAGUIGINFO at valid ID.
Ang mga tatanggap naman ng second dose ay kailangang magpresinta ng kanilang vaccination card at schedule ng kanilang second dose at valid ID.
Sa ngayon ay nasa 632,167 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan sa Taguig at 259,087 sa mga ito ang fully vaccinated o nakatanggap na ng dalawang doses ng COVID-19 vaccine.