Mga magpaparehistro ng sasakyan, dapat magkaroon muna ng sariling garahe

Inihain ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang House Bill 31 o ang panukalang batas na “No Garage, No Registration,” na layuning gawing requirement ang pagkakaroon muna ng parking space o garahe bago bumili ng sasakyan at magparehistro sa Land Transportation Office (LTO).

Paliwanag ni Velasco, matindi na ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa 12 metropolitan areas na tinukoy ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Kabilang dito ang Metro Manila, Angeles, Cebu, Bacolod, Baguio, Batangas, Cagayan de Oro, Dagupan, Davao, Iloilo, Naga at Olongapo.


Sabi ni Velasco, ‘yan ay dahil nagmimistulang “parking lots” na ang mga kalsada ng mga nagmamay-ari ng sasakyan na walang saraling garahe.

Sa ilalim ng panukala, magiging obligasyon ng LTO ang pagberepika kung ang mga nag-a-apply ng registration ng sasakyan ay nakatugon sa requirement at sinumang taga-LTO na lalabag ay masususpinde ng 3 buwan nang walang sahod.

Ayon sa batas, sinumang makakakuha ng rehistro ng sasakyan kahit walang garahe ay babawian ng registration at pagmumultahin ng P50,000 at pagbabawalan nang magparehistro ng kahit anong sasakyan sa LTO sa loob ng 3 taon.

Facebook Comments