Inihayag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na kailangan pang makakuha ng certificate mula sa mga emission centers o Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC) ang isang motorista bago payagang makapag-rehistro ng kanilang sasakyan.
Kasunod ito ng pagsuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nais ng Department of Transportation (DOTr) na mandatoryong pagsasailalim sa 73-point road worthy inspection check ng mga pribadong sasakyan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng PMVIC.
Ayon kay Roque, ang mga operators ng PMVIC na nagsabi ng kanilang singil ay kapareho lamang ng nasa emission centers na nagkakahalaga ng P600.
Kailangan lang aniyang ipasa ang alinmang dokumento mula sa mga dating emission centers o Motor Vehicle Inspection Service (MVIS).
Sa oras naman ng hindi makapasa sa test, sinabi ni Roque na kailangan pa ring sumailalim sa repair at bumalik sa mga private inspection centers para magbayad ng karagdagang P900 reinspection fee para makakuha ng clearance.