Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga magpapasaway sa loob ng sementeryo sa araw ng Undas na sumunod sa mga pinaiiral na patakaran.
Ito ay upang huwag nang maabala at magbayad ng kaukulang multa kung ipipilit ang mga bagay o gawain na mahigpit na ipinagbabawal.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna, ipagbabawal ang mga maiingay na bagay tulad ng sound system lalo na ang videoke.
Aniya, marami ang pupunta sa sementeryo para dumalaw sa mga mahal sa buhay at hindi para mag-party.
Maging ang mga nakatira sa loob ng sementeryo o mga caretaker ng mga museleo ay hinihimok ni Mayor Honey na sumunod sa patakaran at huwag nang magpasaway.
Paalala pa ng alkalde, bawal din ang anumang uri ng sasakyan sa loob ng Manila North at South Cemetery gayundin ang anumang uri ng nakalalasong inumin, flammable materials, baril, kutsilyo at matutulis na bagay, baraha, bingo at iba pang uri ng sugal.
Ang sinumang sasaway sa inilabas na patakaran ay mananagot sa mga awtoridad nang naaayon sa ipinatutupad na batas.