Hinihikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga organizers at mga magkikilos-protesta sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na sumalang sa RT-PCR Test.
Bukod sa mga organizers, hinhimok rin ng PNP ang mga miyembro o makikiisa sa rally na magpa-swab test na rin bago sila magtipon-tipon bukas.
Ayon kay Police Maj. Gen. Valeriano de Leon, ang PNP Director for Operations, ang kanilang pahayag ay upang hindi magkaroon ng hawaan ng COVID-19 lalo na’t kasalukuyang tumataas ang kaso nito.
Aniya, ang kanilang mga tauhan na made-deploy o magbabantay sa SONA ay nauna ng sumalang sa swab test kung saan hinihintay na lamang ang resulta nito
Kaugnay nito, binalaan ng PNP ang mga magsasagawa ng rally na handa silang buwagin o arestuhin sakaling lumabag sila sa ipinapatuad na minimum health protocols kontra COVID-19.
Samantala, naka-puwesto na sa bahagi ng IBP Road ang mga Anti-riot shield na gagamitin ng PNP sakaling magpumulit na makalapit ang mga raliyista sa Batasan Complex ngayong araw hanggang bukas.