Manila, Philippines – Haharangin ng Manila Police District ang mga militanteng grupo na magsasagawa ng kilos protesta malapit sa mga lugar na pagdadausan ng 31st ASEAN Summit.
Ayon kay MPD District Director Chief Supt Joel Coronel mahigit na tagubilin sa kanya ng alkalde ng Manila na bawal ang kahit anong demonstrasyon sa mga hotel na tutuluyan ng mga delegado, head of states at iba pang mga VIP’s kung saan aabot sa 2,800 mga tauhan ng MPD ang ipakakalat bukod pa sa 60 libong tauhan ng Asean Security Task Force na siyang mangangalaga ng seguridad sa ASEAN Summit.
Paliwanag ni Coronel papayagan lamang nila magsagawa ng mga kilos protesta sa Plaza Miranda at Liwasang Bonifacio upang ipahayag ang kanilang mga saloobin o hinaing laban sa gobyerno.
Una nang nakatanggap ng ulat ang MPD na magsasagawa ng malawakang kilos protesta ang ilang mga militanteng grupo gaya ng Bayan, Gabriela, Anakpawis at iba pa sa Nobyembre 12 at 13 kasabay ng pagdating ni US President Donald Trump.