Mga Magsasaka at Lokal Traders ng Mais at Palay Nagkasundo Na!

San Mariano,Isabela- Lumagda sa isang kasunduan ang mga magsasaka at mga negosyante ng palay at mais dito sa bayan ng San Mariano matapos ang mahaba habang diskusyon hinggil sa mga kahilingan ng mga magsasaka.

Batay sa nakuhang kaalaman ng RMN News Cauayan mula kay Sangguniang Bayan member Nemonic Aggabao,chairman ng committee on agriculture napagkasunduan ng mga magsasaka at mga lokal traders na ibaba ang porsyento ng pagpapautang mula sa 15% na interes ay ginawa na ngayong 13% sa mga magsasaka kada anihan,hindi na rin papayagan ang pagkuha ng ari arian sa mga magsasaka na hindi makakabayad ng kanilang utang, babayaran narin ng mga traders ang sako na ginamit ng mga magsasaka para ihatid ang mga produkto sa kanilang mga negosyante sa halagang lang piso kada sako,papayagan narin ang mga magsasaka na magbenta sa ibang negosyante na mas mataas ang pagbili sa kanilang mga produktong bukid at iba pa.

Ang kasunduan ay bunsod ng mga reklamo ng mga magsasaka sa naturang bayan kung saan ay mismong mga traders ang umanoy nang gigipit sa mga magsasaka kayat hindi umano sila nakakaahon sa kahirapan dulot ng mga inilalatag na mga patakaran ng mga negosyante na na kanilang inuutangan tuwing panahon ng pagsasaka.


Magugunita na noong nakaraan taon ay nagsagawa ng rally ang mga magsasaka dito sa bayan ng san mariano at inihayag ang kanilang pagkadismaya sa lokal na pamahalaan at mga negosyante na mistulang nagsasabwatan upang lalong malubog sa utang ang mga magsasaka ngunit agad itong tinugunan ng lokal na pamahalaan ang nagkaroon ng dyalogo ang magkabilang panig at dito na nabuo ang mga kasunduan na magsisimula ngayon anihan.

Umaasa naman ang mga magsasaka na tutuparin ng mga negosyante at mga opisyal ang kasunduan upang makaahon sa buhay ang mga maliliit na magsasaka sa naturang bayan.

Facebook Comments