Iginiit ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na mabigyan ng pension at benepisyo sa pagreretiro ang mga mangsasaka at mangingisda para maitawid ang kanilang pang araw-araw na gastusin sa oras na tumigil na sila sa pagtatanim at pangingisda.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 2420 o panukalang “Agriculture Pension Act” na inihain ni Lee na nagtatakda ng pagbuo ng “Farmers and Fisherfolk Social Security and Pension Program”.
Katwiran ni Lee, paraan ito para masuklian ang walang pagod na pagkayod ng mga magsasaka at mangingisda para maitaguyod ang kanilang pamilya at patuloy na buhayin local agriculture sektor at ang buong ekonomiya bansa.
Sa panukala ni Lee, ang pondo para sa mga nabanggit na benepisyo para sa mga magsasaka at mangingisda ay kukunin mula sa sampung porsiyento ng annual tax collections sa importasyon ng iba’t-ibang agri-products.
Kukunin din ito sa savings ng National Treasury at paglalaan ng Department of Agriculture (DA) ng supplemental budget para dito na isasama naman sa taunang pondo ng ahensiya.
Inaatasan naman ng panukala ni Lee ang DA, Social Security System at Philippine Crop Insurance Corporation na para magkatuwang na bumalangkas ng polisiya at magpatupad ng social security benefits at pension scheme para sa mga magsasaka at mangingisda.