Iginiit ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyang prayoridad ang mga magsasaka at mangingisda sa mga bagong benepisyaryong tatanggapin sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang apela ni Lee ay sa harap ng plano ng DSWD na pagdaragdag ng 1.3 million household beneficiaries sa 4Ps kapalit ng mga naka-graduate na sa programa.
Tinukoy din ni Lee na noong 2018, ay ang mga magsasaka at mangingisda ang may pinakamataas na poverty incidence.
Dagdag pa ni Lee, ayon din sa Philippine Statistics Authority (PSA), ay nasa ₱331.10 lamang ang arawang sahod ng agricultural workers noong 2019.
Ayon kay Lee, sunod-sunod ang kalbaryong dinadanas ng ating mga magsasaka at mangingisda—mula sa mababang kita, pagkasira ng ani o kawalan ng huli dahil sa kalamidad, mataas na gastos sa farm input at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pati na ang mga dagdag na pasaning dulot ng pandemya.
Diin ni Leem, napakalaking tulong na maibigay sa kanila ang karampatang mga benepisyo, hindi lang para makabangon, kundi upang tuluyang maiangat ang kanilang pamumuhay.