Hinimok ni Senator Robin Padilla ang Department of Trade and Industry (DTI) at Cooperative Development Authority na sanayin ang mga magsasaka at mga mangingisda na maging negosyante.
Sa pagdinig ng Senado, pinuna ni Sen. Padilla na hanggang ngayon ang mga magsasaka at mga mangingisda ay kabilang pa rin sa mga pinakamahihirap o sa “below poverty line”.
Ayon kay Padilla, nakakalungkot na kung sino pa ang nagtatrabaho para sa ating pagkain ay sila pa ang nasa bingit ng kahirapan.
Umapela ang senador na bigyan ng training ang mga magsasaka at mangingisda para ang kanilang “raw materials” ay hindi na dadaan sa traders nang sa gayon ang kita ay buong makukuha ng mga ito.
Nababahala ang mambabatas na dahil sa patuloy na kahirapan ng naturang sektor ay ayaw na nilang gawing magsasaka ang kanilang mga anak.
Hiniling ni Padilla sa mga ahensya na tulungang i-organisa ang mga magsasaka at mangingisda na maging kooperatiba at tulungan ang mga ito na magnegosyo nang sa gayon ay mabigyan din sila ng pagkakataon na umangat sa buhay.