Sa ating panayam kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist ng Lungsod ng Cauayan, napakahalaga aniya ang pagpili ng dekalidad na variety ng itatanim na binhi ng palay para sa mas mataas na ani at kita.
Ilan aniya sa mga magagandang variety ng hybrid rice na ipinamimigay rin ng Department of Agriculture (DA) ay FL 8, Pioneer hybrid rice at Bigante.
Maaari pa rin naman aniyang gumamit ng iba pang hybrid rice seeds dahil maganda pa rin naman ang magiging ani basta ito ay hybrid. Sinabi ni Engr Alonzo, tinatayang nasa mahigit 20% ang yield increase o madadagdag sa maaani kung gagamit ng hybrid rice kumpara sa Inbred rice.
Una nang isinulong ng Kagawaran ng Pagsasaka sa mga rice farmers ang paggamit ng mga Hybrid seeds para makamit ang mas maganda at mataas na ani.
Kaugnay nito, kailangan pa ring i-monitor at alagaan ang mga pananim para hindi agad tamaan ng sakit o peste.
Para naman sa mga magsasakang nauna nang nadaluyan ng tubig mula sa NIA, pinapayuhan ang mga ito na ihandang mabuti ang bukirin upang sa ganon ay maging maganda ang tubo ng mga binhi at alagaan na rin para makamit ang mas magandang ani at mataas na kita.