Cauayan City, Isabela- Inaabisuhan ang mga magsasaka na nasiraan ng mga pananim na palay dahil sa epekto ng mga magkakasunod na bagyo na maaaring sumangguni sa municipal agriculture office upang magpa-crop insurance.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) Region 2, mayroon aniyang inilaang pondo ang kagawaran ng agrikultura at kinuha na rin ang ibang pondo sa Rice Tariffication para ilaan sa crop insurance upang mas maraming magsasaka ang makinabang at matulungan.
Base aniya sa kanilang pinakahuling monitoring, marami pang mga magsasaka sa Lalawigan ng Isabela ang hindi pa nakapag-ani ng palay ngunit dumapa na dahil sa epekto ng mga magkakasunod na bagyo.
Pinapayuhan naman ang mga magsasaka na padaluyin ang tubig sa mga pilapil upang hindi manatili ang tubig-ulan na magiging sanhi ng lalong pangingitim at pagkasira ng mga pananim na palay.
Nilinaw ni Ginoong Edillo na ang pagpapa-crop insurance ay sakop ang mga sumusunod gaya ng pagkasira ng palay dahil sa kalamidad, tagtuyot, sakit o baha.
Para sa mga mag-aapply na apektadong magsasaka, magtungo at makipag-ugnayan lamang sa municipal agriculturist upang makakuha at makapagpirma ng form.
Kinakailangan lamang na sagutin at ibigay ang mga hinihinging impormasyon gaya ng pagguhit sa itsura ng palayan, ilagay ang petsa o araw kung kailan nakapagtanim upang malaman ang stage ng palay at kung ano ang variety ng palay.
‘First come, first served’ din ang pag-apply basta kumpleto ang mga hinihinging dokumento.
Umaaela naman si Ginoong Edillo sa mga nasa kaukulang ahensya na tulungan ang mga magsasaka sa pag apply ng crop insurance upang hindi na mahirapan at matulungan din ng gobyerno.