Dalawampung metrikong tonelada ng carrots ang pinadala ng Cordillera Seed and Fruits Multipurpose Cooperative sa mahihirap na lugar ng Manila, Pasay City at Paranaque City bilang tulong sa mga naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ang bigay na donasyon ay alinsunod sa Kadiwa Express on food Accessibility ng Department of Agriculture-Cordillera Administration sa tulong ng SPECS Foundation Inc.
Ayon kay Ardan Copas, Manager ng Cordillera Seed and Fruits Multipurpose Cooperative, nagkaisa ang may 20 farmers mula sa Natubleng, Buguias, Benguet na pagsamahin ang kanilang carrot produce para ibigay sa mga nangangailangang komunidad.
Isang paraan lamang daw ito na ibinabalik ng mga magsasaka sa pamahalaan ang mga tulong na kanilang natatanggap sa pagsulong ng industriya ng pagsasaka.
Samantala, sinabi naman ni Teresa Rivera Coman, Executive Director ng SPECS Foundation, kasama ring binigyan ng donasyon ang mga nasunugan sa Tondo, Maynila.
Pinuri ni Coman ang pagsisikap at kabaitan ng mga farmers at bilang kapalit binigyan sila ng foundation ng mga personal protective equipment (PPE) at sanitizers.
Kanila ring kinilala ang kahalagahan ng mga farmers bilang mga frontliner lalo na sa paghahatid ng food supply sa Metro Manila sa panahon ng ECQ.