Manila, Philippines – Nagbabala si Butil Rep. Cecilia Leonila Chavez na hindi malabong mawalan na ng magsasaka sa bansa sa oras na maipatupad ang Rice Tariffication Law.
Ayon kay Chavez, malungkot ang klima sa mga lokal na magsasaka nang maging batas ang Rice Tariffication Law na magaalis ng limitasyon sa mga iniaangkat na bigas.
Ngayon pa lamang na hindi pa naipapatupad ang batas ay bumaba na ang bentahan ng kada kilo ng palay sa Nueva Ecija sa P14 mula sa P17.
Nangangamba ang kongresista na dahil sa pagbaba ng presyo ng bentahan ng bigas na ani ng mga magsasaka ay posibleng tumigil na sa pagtatanim ang mga ito kung hindi rin lang sila kikita.
Kinukwestyon din ng mambabatas kung bakit ipapatupad na ang Rice Tarrification Law sa Marso gayung ginagawa pa lang ang implementing rules and regulation o IRR.
Pakiramdam na aniya ng mga magsasaka ay hindi sila napoprotektahan bago pa man maipatupad ang nasabing batas.