Mga magsasaka, sasanayin ng DAR na maging negosyante

Inilunsad ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang Farm Business School (FBS) site sa Barangay Duengas, Surallah, South Cotabato upang bigyan ng pagsasanay ang mga agrarian reform beneficiaries (ARB) na maging magsasakang-negosyante.

Ang FBS ay isa sa mga instrumento ng DAR sa pagbibigay kakayahan sa mga magsasaka na gawing negosyante sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kaalaman at kakayahan sa entrepreneurship at pamamahala sa negosyo sa bukid.

Ang FBS ay magtuturo sa 35 participant mula sa Malay Irrigators Association at dadalo sa loob ng 16 na linggong pagsasanay.


Binubuo ito ng 25 session na may iba’t ibang paksa sa agricultural entrepreneurship tulad ng business planning records keeping, saving mobilization, value-adding, at iba pa.

Ayon kay Chief Agrarian Reform Program Officer Lorna Garde, binibigyan nito ang mga ARB ng mga bagong pananaw sa pagsasaka at iuugnay ang mga ito sa mga potensyal na market outlet.

Ang FBS ay isang programan ng DAR sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Agriculture, Local Government Unit, Department of Trade and Industry, at Agricultural Training Institute.

Facebook Comments