Bumuo na ng master plan ang Department of Agrarian Reform (DAR) para bigyan ng panibagong lupang sakahan ang nasa dalawang libong magsasaka na naapektuhan ng pagputok ng Taal Volcano sa Batangas.
Ayon kay DAR CALABARZON Regional Director Rene Colocar, ito ay para sa rehabilitasyon sa mga benepisyaryong magsasakang hindi na makabalik sa isla ng Taal.
Aniya, sa loob ng CALABARZON area mayroon pang tatlong libong ektaryang lupang sakahan ang maaaring ipamahagi sa mga magsasaka.
Para maisakatuparan ito, kailangan umano na magpalabas ng bagong polisiya ang DAR na nag-aatas na mabigyan ng lupain ang mga apektadong mga magsasaka.
Pagtiyak pa ni Director Colocar na magiging mabilis ang magiging proseso dito ng ahensiya upang maibalik agad ang nawalang kabuhayan ng mga magsasaka.