Makakatanggap pa rin ng ayuda ang mga magsasaka na hindi napasama sa mga nabigyan ng cash assistance sa panahon ng community quarantine.
Sa virtual presser ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Secretary William Dar na 100 percent nang naipamahagi ang ayuda sa ilalim ng Financial Subsidy to Rice Farmers.
Mula sa tatlong bilyong pisong pondo sa pamamagitan ng Financial Subsidy to Rice Farmers, nasa 591,246 na magsasaka ang nabigyan ng tig-P5,000 tulong pinansyal.
Para naman sa mga magsasaka na hindi nakatanggap ng naturang ayuda, prayoridad sila na makakuha ng loan sa ilalim ng SURE COVID-19 financing program.
Maliban dito, patuloy din ang pagbibigay ng iba pang assistance kabilang na ang pamamahagi ng 1.2 million bags ng binhing palay sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF-Seed Program.