Mga magtatangkang manggulo sa 2017 bar exam, aarestuhin at agad na kakasuhan ng MPD

Manila, Philippines – Nagbabala na ang Manila Police District bagaman malayo pa ang 2017 Bar Exam laban sa sinumang magsasagawa ng bar operations na magdudulot ng kaguluhan.

Ayon kay MPD Dist Dir. Chief Supt. Joel Coronel ay naghahanda na sila sa bagong panuntunan na ipatutupad ng Korte Suprema hinggil sa Peace and Order at Security Measure sa apat na Linggo ng Bar Examinations na gagawin sa University of Sto. Tomas sa España, Sampaloc, Maynila.

Sa ilalim ng bagong regulasyon, maglalagay ng isang hukom sa loob ng UST kung saan agad na isasagawa ang pagdinig laban sa sinumang magsasagawa ng bar operations na manggugulo o makakaabala sa bar exams sa loob ng 200 metro ng UST campus.


Paliwanag ni Coronel ang manggugulo aniya ay dadamputin ng pulisya at kakasuhan ng direct contempt, bukod pa sa iba pang nararapat na kasong kriminal at paglabag sa mga city ordinances.

Dagdag pa ni Coronel, papayagan naman ang lahat ng bar ops ngunit lahat ng gagawa nito ay kailangang makipag-coordinate muna sa UST College of Law at sa MPD.

Ang bar ops ay isang tradisyon ng mga school organizations at fraternity groups na naglalayong tulungan ang mga kukuha ng bar exams kabilang dito ang pagtatayo ng assistance desk.

Facebook Comments