Mga Magtutungo sa Tuguegarao City, Pinaalalahanan!

Cauayan City, Isabela- Nagpaalala ang tanggapan ng City Information Office ng Tuguegarao City para sa mga papasok o magtutungo sa Lungsod mula sa iba’t-ibang bayan o probinsya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Lenie Umoso, City Information Officer ng Tuguegarao City, para sa mga bisita na manggaling sa iba’t-ibang bayan o Lalawigan patungo sa Tuguegarao City ay kinakailangang magpakita at mag-iwan ng kopya (photo copy) ng travel pass sa checkpoint para mabigyan ng visitor’s ID.

Ang visitor’s ID ay ibibigay sa mga papasok sa Lungsod na may gagawing transaksyon o para sa mga may importanteng lakad sa syudad.


Ito ay bahagi aniya ng kanilang ipinatutupad na COVID-19 Shield Control pass na ibinibigay sa lahat ng mga indibidwal na lalabas ng kanilang lugar maging sa mga manggagaling sa ibang bayan o Lalawigan.

Sa mga uuwi ng Tuguegarao City ay kailangan lamang magpakita ng ebidensya na residente sa Lungsod.

Para naman sa mga madadaan lamang sa Tuguegarao City mula sa iba’t-ibang bayan o Lalawigan ay bibigyan lamang ng transient ID at hindi na bibigyan ng visitor’s ID.

Kung titigil aniya ang mga dadaan lamang sa Lungsod para kakain o anumang personal na gagawin ay kailangang timbrehan o sabihan ang mga nasa checkpoint.

Kaugnay nito, pinapaalalahanan rin ang lahat na kung wala namang importanteng gagawin sa Lungsod ay huwag nang tumuloy at manatili na lamang sa tahanan.

Samantala, pinabulaanan ni Ms. Umoso ang usap-usapan na ibabalik sa ECQ status ang Lungsod ng Tuguegarao.

Nagkaroon lamang aniya ng kalituhan sa sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na hanggat wala pang malinaw na guidelines sa transition mula ECQ patungong GCQ ay mananatili ang treatment sa mga protocols na parang ECQ.

Facebook Comments