Mga magulang, dapat mas maging aktibo sa pagdidisiplina sa mga anak upang maiwasan ang mga karahasan sa paaralan

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa mga magulang na maging mas aktibo sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak.

Ang reaksyong ito ay kasunod ng pagkasawi ng isang babaeng Grade 8 student matapos saksakin ng lalaking kaklase nito sa isang paaralan sa Parañaque City.

Binigyang diin ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, na kailangang maging aktibo ang mga magulang sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak sa tahanan upang maiwasan ang mga kahalintulad na karahasan.


Kinalampag din ng senador ang mga paaralan na palakasin ang kanilang seguridad upang hindi na maulit ang insidente kung saan nakapagdala ang menor de edad na suspek ng kutsilyo na siyang ginamit nito sa pananaksak sa kanyang kaklase.

Umaapela si Gatchalian sa mga eskwelahan, mga magulang at sa mga komunidad na huwag gawing normal ang karahasan sa mga paaralan lalo’t nakakabahala na makailang insidente na ito ng pananaksak kung saan sangkot ay mga kabataang mga estudyante mula sa mga pampublikong paaralan.

Facebook Comments