Nagbabala ang Department of Justice-Inter Agency Council Human Trafficking o DOJ-IACAT sa mga magulang na ginagamit ang mga anak para sa human trafficking na sila ay mahaharap sa kaso.
Ang babala ay ginawa ni DOJ-IACAT Usec. Nicholas Felix Ty matapos masampahan ng kaso ang mga lider ng umano’y kultong relihiyon na Socorro Bayanihan Services Inc., sa Provincial Prosecutors Office ng Surigao del Norte.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOJ-IACAT Usec. in Charge Ty karamihang kaso ng human trafficking na kanilang naitatala ay mga magulang mismo ang pumapain sa kanilang mga anak para maging biktima ng human trafficking.
Halimbawa aniya rito ay pagkuha ng litrato o video sa kanilang anak at pinapadala sa mga banyagang pedophile kapalit ay pera.
Hindi aniya alam ng mga kabataan na sila ay ginagawan ng masama ng kanilang magulang dahil nagtitiwala sila sa mga ito, kaya mahalaga maging mapagmatyag o aware ang publiko upang matukoy kung may nangyayaring human trafficking sa isang lugar.
Sa ngayon ayon kay Ty, libo-libong kaso na ang human trafficking ang naisasampa sa DOJ.
Ilan aniya sa senyales kung may nangyayaring human trafficking ay ang pagkakaroon ng sexual exploitation, labor force at iba pa.
Dagdag pa ni Ty, na isa sa dahilan kaya may nabibiktima ng human trafficking ay dahil sa kahirapan.