Mga magulang ng mga menor de edad na nasagip sa mga drug den sa Navotas, kinasuhan

Sinampahan na ng kaso ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga magulang ng mga menor de edad na nasagip sa iba’t ibang drug den sa Navotas fish port noong Enero 16.

Nahaharap ngayon ang 17 magulang sa paglabag sa Republic Act no. 7610 o special protection of children against abuse, exploitation and discrimination act at Presidential Decree 603 Article 59 o criminal liability of parents.

Ayon kay PDEA Chief Director General Aaron Aquino, babala na ito sa iba pang mga magulang na nagpapabaya sa mga anak.


Sabi ni Aquino, magiging standard operating procedure na ng PDEA na isasalang na rin ang mga magulang sa imbestigasyon kapag may naabutang menor de edad sa kanilang drug operation.

Kapag aniya napatunayang sangkot sa droga ang bata, kakasuhan ang mga magulang.

Sa tala ng PDEA mula 2016 hanggang kasalukuyan, 1,984 na mga menor de edad ang nahuli nila na sangkot sa droga.

Facebook Comments