Pighati at matinding dalamhati ang nararamdaman ngayon ng mga magulang ni Maryan Esteban, isa sa mga daan-daang nasawi sa malawakang sunog sa Tai Po, Hong Kong noong Miyerkules, Nobyembre 26.
Sa eksklusibong panayam ng iFM news team, ipinahayag ni Jaime Esteban, ama ng biktima, sinabi niyang hindi pa rin nila matanggap na bangkay na ng kanilang anak ang iuuwi sa Pilipinas na dapat ay magbabakasyon sana sa bansa ngayong Disyembre.
Ayon sa kaniya, hirap silang kumain at makatulog dahil sa sinapit ni Maryan sa ibang bansa.
Noong Nobyembre 24, dalawang araw bago ang insidente, nakausap pa umano ng pamilya si Maryan kung saan ipinaalam nito na uuwi siya sa Disyembre 16 at pupunta sa Cainta, Rizal.
Pinayuhan pa umano ni Maryan ang kaniyang mga magulang na mag-ingat at alagaan ang kanilang sarili para makabiyahe mula Jones, Isabela hanggang Cainta, Rizal—ngunit hindi nila alam na iyon na pala ang huli nilang pag-uusap.
Emosyonal namang ibinahagi ng ina ng biktima, na si Manayon Medina, ang labis na sakit na dulot ng pagkamatay ng kanilang anak.
Ayon sa kaniya, walang katulad ang kabutihan at pagiging maalaga ni Maryan, lalo na sa pagbibigay ng pinansyal at moral na suporta sa kaniyang mga magulang.
Palagi rin umano nitong pinaaalalahanan ang mga magulang tungkol sa kanilang kalusugan.
Samantala, nagpaabot din ng panawagan ang pamilya sa gobyerno upang mapabilis ang pag-uwi ng labi ni Maryan sa kanilang tahanan.









