Mga magulang pinayuhan ng DTI na bumili ng school supplies sa mga kilalang establishment na sumusunod sa SRP

Tumaas ang presyo ng halos lahat ng school supplies ngayong taon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DTI Usec. Ruth Castello, kabilang sa mga tumaas ang presyo ay notebook, pad paper, krayola, eraser, sharpener, ruler at iba pa.

Dahil dito, naglabas aniya sila ng Suggested Retail Price o SRP para bigyang gabay ang mga consumers.


Sinabi ni Castello kung meron man aniyang mga school supply na hindi nabago ang presyo, posible aniyang lumang stocks pa ito na hindi pa napaso o expired pero ang mga bagong gawa ay tumaas ang presyo.

Nasa average na pitong piso at singkwenta sentimos aniya ang itinaas sa presyo ng school supplies habang ang pinaka mataas ay siyam na piso at bente singko sentimos.

Kaya naman, payo ni Castello sa mga magulang o mamimili na sa established na tindahan na lamang bumili ng mga gamit sa school ng mga estudyante.

Sumusunod kasi sa SRP ang mga establisyimentong ito bukod pa sa nakasisiguro aniya sila sa kalidad ng mga produkto, hindi katulad kung sa bangketa lamang bibili na mura nga ngunit hindi sigurado sa kalidad.

Facebook Comments