MGA MAGULANG SA PANGASINAN, PINAALALAHANAN NA GUMAWA NG MGA PARAAN UPANG MAPROTEKTAHAN ANG MGA ESTUDYANTENG ANAK SA MATINDING INIT

Hindi pa man idinedeklara ng PAGASA ang pagsisimula ng panahon ng tag-init sa bansa, ramdam na ang mainit na panahon sa Pangasinan.

Ilang mga eskwelahan na rin ang nagdeklara ng suspensyon ng klase dahil sa mataas na heat index forecast ng PAGASA.

Alinsunod dito, may paalala ang school head sa Pangasinan para sa mga magulang ukol sa posibleng banta ng mainit na panahon sa kalusugan ng mga anak.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Lucao Elementary School School Head Jeryllee Tolentino, inihayag nito ang kagandahan ng pagsusuot ng angkop na kasuotan upang presko ang mga bata sa eskwelahan.

Pinaalala rin ang mainam na pagdadala ng payong at tubig, maging ang paghikayat sa mga magulang na baunan na lang ang mga anak upang hindi na lumabas tuwing tanghaling tapat para sa tanghalian.

Aniya, sa kanilang panig, tiyak umano ang kaayusan at ang komportableng lagay ng mga mag-aaral sa bawat silid aralan, tulad ng wastong bentilasyon at pagkakaroon ng electric fan.

Dagdag niya, sakaling tuluyang maranasan ang maalinsangang panahon, maaaring mag transition mula sa modular distance learning ang F2F classes bagamat hihintayin pa ang anunsyo mula sa awtorisadong kawani ng ahensya.

Samantala, ayon sa PAGASA, posibleng sa kalagitnaan ng Marso maideklara ang Philippine Summer o panahon ng tag-init sa bansa.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments