Pinayuhan ng Department of Science and Technology (DOST) ang publiko lalo na ang mga mahilig magtanim o ang mga tinatawag na plantito at plantita na ipagpaliban muna ito habang nagpapatuloy ang pagbuga ng asupre ng Bulkang Taal.
Sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum na manunuyo at mamatay lamang ang mga bagong tanim na halaman kapag nalagyan ng mga asupre mula sa Bulkang Taal.
Paliwanag kasi ni Solidum, ang volcanic fog o ang hangin na may asupre kapag nahalo sa tubig ay nagiging acidic kaya nasusunog ang dahon ng halaman at unti-unting mamamatay.
Pinapa-cover o pinatatakpan naman ni Solidum ang mga halamang may bunga na para maprotektahan sa asupre at kapag pinitas ang bunga ay tiyaking nahugasang mabuti bago kainin.
Samantala, tiniyak naman ni Solidum na may ayudang makukuha mula sa lokal na pamahalaan ang mga pamilyang ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng halaman.