Hindi inirerekomenda ng mga eksperto ang pag-inom ng mga alcoholic drink kabilang na ang cerveza ngayong summer season na.
Sa Laging Handa Public briefing, sinabi ni Dr. Benito Atienza ng Philippine Federation of Professionals Association na nakaka-ambag kasi ang pag-inom ng alak at iba pang nakakalalasing na inumin para ma-dehydrate ang isang indibidwal.
Kapansin-pansin ayon kay Atienza na kapag umiinom ng alcohol o alak ay nakapag-papa ihi ito na maaaring makapag-dulot ng dehydration.
Idinagdag ni Atienza na kung mas marami pang nainom ang isang indibidwal ay mas lalong maglalabas ito ng tubig sa katawan na hindi rin naman maganda.
Bukod dito ay mainit din sa katawan ang alak at iba pang alcoholic drinks ayon sa medical expert kaya’t ang pinakamaganda pa ring inumin ngayong panahon ng tag-init ay tubig at ugaliin ding kumain ng pakwan na mayaman sa tubig.
Ang palatandaan naman na dehydrated ang isang indibidwal ay kung sa loob ng anim na oras ay hindi ito umiihi.