Hindi nakadalo sa retirement ceremony ni Chief Justice Diosdado Peralta ang 14 na mahistrado ng Korte Suprema sa harap ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa halip, sa online lamang na special En Banc Session lumahok ang mga mahistrado ng Supreme Court (SC) kung saan binasa ang simbolismo ng tokens na kanilang binigay sa nagretirong Punong Mahistrado.
Kabilang sa tokens ang Philippine at SC flags, commemorative pin, relo, SC seal at pen, singsing, judicial robe at gavel.
Lumahok naman sa Zoom sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Teresita de Castro at Lucas Bersamin; mga incumbent at retired justices mula sa SC, Court of Appeals, Court of Tax Appeals at Sandiganbayan; SC officials; gayundin ang ilang government officials tulad ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo na siyang nagtalaga kay Peralta bilang Associate Justice at Presiding Justice ng Sandiganbayan at kalaunan ay naging ika-162 Associate Justice ng Supreme Court.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Chief Justice Peralta ang lahat at sinabi rin nito na nagawa niya nang maayos ang kanyang mga tungkulin sa Saligang Batas.
Aniya, naibigay rin niya ang hustisya na naaayon sa mga Pilipino sa harap ng mga hamon na kinaharap ng Hudikatura sa mga nakalipas na buwan.