Nilinaw ng Land Transportation Office na hindi muna nila bibigyan ng ticket ang mga motorista na masisitang may sakay sa harapan na batang nasa edad 12 pababa.
Ito ay kaugnay sa nakatakdang pagpapatupad ng Child Safety in Motor Vehicles Act o Child Car Seat Law para sa kaligtasan ng mga bata lalo na kapag may aksidente.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni LTO Law Enforcement Service Deputy Director Robert Valera na sa unang anim na buwan ng kanilang implementasyon nito ay magbibigay lamang sila ng warning sa mga kasama ng mga bata sa sasakyan.
Kasunod nito, sinabi ni Valera, inaasahang pagsapit naman ng buwan ng hulyo saka sila magbibigay ng ticket sa mga mahuhuling may violations.
Sa ilalim ng naturang batas, ang mga driver na lalabag ay pagmumultahin ng ₱1,000 sa first offense, ₱2,000 sa ikalawang paglabag at ₱5,000 at supensiyon ng drivers license sa loob nang isang taon para sa pangatlo at mga susunod pang paglabag.