Sasailalim na sa RT-PCR testing ang mga residente ng Navotas na mahuhuling lumabag sa pinaiiral na health protocols.
Ito ay kasunod na rin ng ipinasang City Ordinance No. 2021-17 kung saan sa unang paglabag pa lamang ay kakailanganin nang sumailalim sa swab test ang mga madadakip na sumuway sa health at safety protocols laban sa COVID-19.
Ngayong araw ipatutupad ang RT-PCR testing sa mga violators ng health protocols sa lungsod na dapat isagawa sa loob ng isang linggo mula nang mahuli.
Sa ikalawang pagkakataon naman na mahuling lumabag sa minimum health standards ay oobligahin ulit ang RT-PCR test kung sa nakalipas na 14 na araw lamang nangyari ang unang paglabag at pagbabayarin din ang mga ito ng multa na P500 o 16 na oras na community service.
Sa mga madadakip naman sa ikatlong paglabag, ipapatupad ang parusa sa second at third offense, depende sa pinakahuling araw ng pagkahuli.
Kung ang lumabag naman sa ikatlong beses ay menor de edad, ang mga magulang o guardian ay isasailalim sa RT-PCR testing at multang P500 o 16 na oras na community service.