Itutuloy ng CIDG ang kaso laban sa mga makakaliwang grupo kahit na lumutang na ang limang estudyante na nawawala matapos umanong sumama sa mga grupong ito.
Sinabi ito ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde kaugnay ng reklamong isinampa sa CIDG ng mga magulang ng mga umano’y nawawalang kabataan.
Paliwanag ng PNP chief, kahit lumutang na ang mga naturang bata, at nagpahayag na “kusang loob” silang sumama sa mga makakaliwang grupo, ang mga ito ay menor de edad pa rin.
Ayon aniya sa batas, ang mga menor de edad ay dapat nasa pangangalaga ng magulang, at mananagot ang mga grupo na illegal na kumupkop sa kanila.
Kasabay nito, itinanggi ni Albayalde ang akusasyon ng mga makakaliwang grupo na na-“brainwash” ng PNP at AFP ang mga magulang ng mga bata para magsampa ng reklamo, at sinabing kusang loob na lumapit ang mga ito sa kanila.
Matatandaang unang kinasuhan ng CIDG ang mga opisyal ng Anakbayan base sa reklamo ni Relissa Lucena, isa sa mga magulang na humarap sa senado kamakailan na inirereklamo ang pagkawala ng kanyang anak na estudyante ng Far Eastern University matapos sumama sa grupo.