Cauayan City, Isabela- Nagpasaring si PHILRECA Partylist Congressman Presley De Jesus sa mga oligarko o mayayamang tao sa balak na umano’y agawin ng mga ito ang kapangyarihan sa kongreso.
Ito ang inihayag ng kongresista sa katatapos na Blessing at Inauguration ng ISELCO-1 Sub-Office sa Paddad, Alicia, Isabela kaninang umaga.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay De Jesus, hindi umano niya hahayaang tuluyang makuha ito ng mga oligarko at sisiguraduhin niyang magtutulong tulong ang samahan ng bumubuo sa ‘power bloc’ sa kongreso gaya ng APEC, AKO PADAYON, RECOBODA at PATROL Partylist para pigilan ang planong ito.
Giit ng mambabatas, sa nakalipas na 50-taon ay hindi naman pinapakialaman ng mga ‘oligarko’ ang electric cooperatives kung kaya’t tila nag iba ang sitwasyon ngayon dahil sa kaliwa’t kanang hakbangin na ginagawa umano ng mga ito para maangkin umano ang pagpapatakbo sa elektrisidad sa buong bansa.
Kinuwestyon ngayon ni De Jesus ang mga oligarko kung nasaan sila sa mga panahong kailangang pailawan ang mga lugar sa kanayunan na higit na nangangailangan ng liwanag at hindi matulungan ang kanilang mga sarili dahil naman sa matinding kahirapan.
Tanging ang Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao lang umano ang pinailawan ng mga oligarko, ayon kay De Jesus.
Paliwanag pa ng mambabatas, early 70s ng pagkalooban ng kuryente ng gobyerno ang mga lalawigan ng Isabela, Cagayan at Nueva Vizcaya at bigyang pahintulot sa mga oligarko na pailawan ang mga ito subalit hindi umano nagawa dahil sa wala namang makukuhang kita mula sa mamamayan kung ikukumpara aniya sa mga hotel, pabrika sa kalakhang maynila na siguradong may kita.
Para kay De Jesus, ito ang nag-udyok sa mga electric cooperative na mabigyan ng pagkakataong mapailawan ang mga liblib na lugar sa mga probinsya matapos bigyan ng prangkisa ng kongreso noon.
Kaya maipagmamalaki aniya ang liwanag na tinatamasa ngayon sa malaking bahagi ng rehiyon lalo na sa mga siyudad sa iba’t ibang probinsya.
Samantala, ipinagmamalaki rin ng mambabatas ang mababang singil ng kuryente sa probinsya kung ikukumpara sa ibang lugar ng bansa.
Binigyang diin rin nito na isa sa dahilan kung bakit tila gustong agawin ng mga oligarko ang electric cooperative ay dahil sa kawalan ng pera sa kooperatiba, non-profit at non-stock.
Magkagayunman, magkakaroon umano agad ng pagtaas ng presyo ng kuryente kung tuluyang maaagaw ito ng mga mayayamang tao sa bansa.