Mahigit P600,000 halaga ng ilegal na putok ang winasak ng Rizal Police Provincial Office, ilang oras bago magpalit ang taon sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay Rizal Police Provincial Office Director Police Col. Joseph Arguelles, nakumpiska ang mga paputok, kabilang ang sinturon ni hudas, sa tapat ng Robinson’s Place sa Antipolo City.
Paliwanga ni Arguelles, ang pagsira sa mga paputok bago ang pagsalubong sa taong 2021 ay pinangunahan ng mga pulis at mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) bilang bahagi pa rin ng mas pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa mga paputok.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga lokal na pamahalaan at pulisya na ipatupad ang mahigpit na regulasyon sa pagbebenta, distribusyon at paggamit ng mga bawal na paputok at pailaw ngayong Bagong Taon.
Dagdag pa ni Arguelles, ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa mga ilegal na paputok ang isa sa dahilan ng mapayapang selebrasyon sa mga nakaraang pagsalubong sa Bagong Taon at Pasko.