May namumuong nationwide transport strike sa mga susunod na araw.
Sa pagkakataong ito, nagsanib pwersa ang malalaking kooperatiba at korporasyon na sumailalim sa PUV Modernization Program ng gobyerno para sa pinaplanong transport strike.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Senate President Chiz Escudero na ipapatigil niya ang impelementasyon ng PUV Modernization Program.
Ani Escudero, ang PUV Modernization Program ay hindi napag-isipang mabuti.
Ayon sa nakuhang inpormasyon ng DZXL News, hindi nagustuhan ng transport leaders ang nasabing pahayag ni Escudero na plano nitong magpasa ng resolusyon para ipahinto ang programa.
Napahiya umano ang national transport leaders dahil hindi man lamang sila tinanong o kinuha ang datos mula sa Department of Transportation (DOTr) na nagpapakita na malaking porsyento na ng PUV ang nagpasailalim sa programa.
Mistulang pagsuway rin aniya ito sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na gustong ituloy ang programa.
Sa katunayan, sa pinakahuling dialogue kay Pangulong Marcos, planong tawaging Public Transport Modernization Program ang programa.
Kung tutuusin umano ay maliit na porsyento na lang ang mga mag-iingay.
Hindi umano ito makatarungan sa mga nag-consolidate at nakautang na para pambili ng mas modernong pampasadang sasakyan.