Haharap sa susunod na pagdinig ng subcommittee on Constitutional Amendments ang mga kinatawan ng mga malalaking negosyo at mga ekonomista para talakayin ang pagamyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Muling itinakda sa Lunes, February 12 ang ikalawang pagdinig para sa Charter Change (Cha-cha).
Kabilang sa mga inimbitahang dumalo ang mga kinatawan ng Makati Business Club, Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), at Management Association of the Philippines.
Ayon kay Senator Sonny Angara, Chairman ng subcommittee, inaasahang maibabahagi ng mga ito ang kanilang ekspertong opinyon sa isinusulong na pagbabago sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Haharap din sa susunod na linggo ang mga legal experts kabilang ang ilang miyembro ng 1986 constitutional commission na sina Commissioner Rene Sarmiento, dating Chief Justice Ricardo Puno, dating Justices Antonio Carpio at Artemio Panganiban, at mga propesor ng Constitutional Law mula sa University of the Philippines at Ateneo De Manila.
Iimbitahan rin ang framers ng 1987 Constitution na sina Dr. Bernardo Villegas, Florangel Rosario Braid, at Ricardo Romulo.